Matanda sa Bintana/ Old Man at the Window
![]() |
A Portrait of Juan Luna |
Mahusay sa kulay ang kamay
na nagkuwadro sa iyo, abuhing
anino na parang sinadyang
iadorno, lapat na lapat, sa pagitan
ng mga kapis na panarang babahagyang
binuksan. Agaw-buhay ang araw
sa iyong mga mata, lusaw na ang ingay
at gulo sa kalsada. Sayang at hindi ko
marinig ang ritmo na iyong tinitipa
sa pasamano: marahill pananabik sa isang
pagbabalik o pagkainip sa katuparan
ng malaon nang panaginip.
Sadyang mahusay ang kamay
na nagkuwadro sa iyo, napatigil
ako at nagawang mapaglimi sa kabila
ng aking pagmamadali. Kumakaway
ang lumbay ng iyong mga kulay,
yumayakap sa malay nang napakahigpit:
gumuguhit ng alinlangan sa aking noo,
nagtatatak ng takot sa aking anino.
Dalubhasa ang kamay na nagkuwadro
sa iyo: nagbubukas ng bintana
ng kaluluwa, nakapagpapadungaw
ng pag-alaala. Nilulusaw ng pusyaw
ang aking kasibulan na ngayon
ay nakakuwadrong iyong pinagmamasdan.
Comments