Ang Pilipino sa Pilipinas

ni: Maria Corazon Zamora

5 important artworks to see for Independence Day - NOLISOLI
“Gathering of Heroes” by Juanito Torres

Natunghayan ko sa mga aklat ang dakilang kasaysayan ng Pilipinas: Natigmak sa dugo ang payapag lupa. Naputi ang maraming buhay na magigiting na sundalong Pilipino sa pagtatanggol sa bayan. Sa loob ng napakahabang panahon, ang Pilipinas ay inaruga ng pagkabusabos. Nabuhay sa pagkakaalipin. Tinanghal na mga bayani sina: Rizal, Bonifacio, Del Pilar, Mabini at Malvar. Mga Pilipinong nang mangamatay ay saka nabuhay nang walang hanggan sa kasaysayan ng Pilipinas.

Pagkatapos ng napakahabang gabi na lalong pinadilim ng paghihirap at pagpapakasakit, sabik na sabik na bumati ang isang bagong umagang may pangit na anyo: Malaya na ang Pilipinas, Alipin pa rin ang mga Pilipino.

Nakapagtataka. Minsan ko nang natagpuan ang aking sariling humahanga sa kagitingan ng mga Pilipino. Ang toto, nakadama pa nga ako ng pagkainggit at paghahangad sa kanilang kagitingan. Nang makatagpo ko sila sa kasaysayan, bagama’t hindi kami nagkaroon ng pagkakataong magkausap, saka ko lubos na nakilala ang aking sarili. Sakbibi ng pagkainggit. Ang tibok ng aking puso ay binubuhay ng maiitim na pagnanasa. Salamat na lamang at hindi pa huli ang lahat nang sa pintuan ng aking pagkatao ay kumatok ang maamong mukha ng katotohanan: Ang magnasa at mainggit sa katangian ng iba ay kasumpa-sumpa! Ang magnakaw ng kagitingang pinatingkad ng walang pangalang paghihirap at pagpapakasakit ay hindi makatarungan.

Ngayon ay naguguluhan ako. Ang aking natunghayang kasaysayan ng Pilipinas at nasasaksihang pangyayaring nagaganap sa kasalukuyan ay dalawang mukhaang magkaiba ng anyo: Pangit ang nakaraan, ngunit naging pangit sa kadakilaan… ayon sa pagkmatay ng mga magigiting na kawal sa dilim ng gabi. Maganda ang ngayon, ngunit kagandahang kung susuriin mo’y may ikinukubling mga kapangitan.

Natatakot ako sa kapangitan. Kinikilabutan ako tuwing masasasaksihan ang mga angit na larawan ng buhay. Ibig kong isiping maganda ang buhay sa ibabaw ng daigdig, maligaya ang mga Pilipino sa Pilipinas. Subalit sa aking karanasan, napakaamo ng kulay na itim. Nakapagsasawa!

DUMALO ako sa isang pagtitipon ng Samahan ng mga Guro at Magulang sa isang mataas na paaralan sa Bulacan. Inanyayahan ako bilang isa sa magsasalita. Hindi ako makatanggi. Naisip kong baka kagandahan ang aking makita.

Maraming tao sa pagtitipon. Mga pinagpalang magulang ng mga batang nagsisipag-aral ang naroon sa malaking bulwagan. Isang bagay ang naging kapansin-pansin; Sila’y pawang mga Pilipino.

Nang magsalita ang punungguro, ganap na katahimikan ang naghari. Ngunit ang katahimikan ay nabasag nang ang mga mag-aaral sa aking harapan ay galit na kinausap ang isa pang mag-aaral at nagwika; “Napakagulo mo naman, makinig ka sa nagsasalita.” Hindi pa halos natapos ang sinasabi ng kumakalabit, lumapt ang isang guro. May hawak na kahon at narinig kong hinihingan ng pera ang nagsalitang bata. Kitang-kita ko, nakalarawan sa mukha ng bata ang pagmamakaawa, ang paghingi ng tawad. Ngunit walang nagawa ang bata kundi ibigay ang halagang trenta’y sinko sentimos sa guro.

Bumalik ang guro sa di-kalayuang upuan pagkatapos makuha ang pera. Ako naman ay nanatili sa aking pagkakaupo. Naguguluhan ang isip. Bakit kinuhanan ng guro ang bata ng pera sa pagbabawal sa kamag-aral na huwag mag-ingay? Hindi ko sinasadya, napalakas pala ang aking tanong at narinig ng aking katabing mag-aaral. “Kasi po, bawal sa amin magsalita ng Tagalo,” pabulong na sagot sa akin.

Natapos ang pangungusap ng punungguro nang hindi ko namamalayan. Biglang nag-init ang aking tainga kahit napakalamig ng panahon. Hindi ako napalagay sa aking pagkakaupo. Naghihimagsik ang aking kalooban. Nag-aalab ang aking damdamin.

Nang ipakilala ako, nagsalita ako sa wikang Filipino. Hirap na hirap ako. Nagkabuhol-buhol ang aking dila sa pananagalog, mga impit na hagikgik ang aking narinig. Ang iba ay hindi napigilan ang malalakas na pagtawa. Tawanang hindi ko matiyak kung paghanga o panlilibak. Hindi ko pinansin ang kanilang hagikhikan at tawanan sapagkat naniniwaa akong iyon lamang ang wikang maaaring maunawaan ng mga magsasakang ama ng batang mag-aaral. Naniniwala akong ang pakikipagtalastasan at pakikipag-ugnayan ay nagkakaroon lamang ng kabuluhan kung ito ay ipababatid sa wikang higit na naiintindihan ng mga tagapakinig. Ano ang maaari nating asahan sa mga magsasaka? Magsalita ng wikang Ingles sa gitna ng kabukiran?

Hindi ako nagtagal sa pagsasalita. Masama ang aking loob. Sa wakas ay sinabi kong lahat ng salitang Tagalog na aking binigkas ay nakahanda kong bayaran.

Nilapitan ko ang gurong naniningil sa batang may hawak ng kahon. Iniabot ko ang pera. “… wala na ho sa aking ang kahon.” -sagot na nakayuko.

Taas ang aking noong nilisan ang paaralang iyon. Batid nilang ako'y nagdaramdam. Ngunit higit na marami ang magdaramdam kung patuloy kong ikinubli ang aking pagdaramdam at hinanakit. Hindi ko gustong saktan ang kanilang damdamin, ngunit may mga damdaming hindi makadama hangga't hindi nasasaktan. May mga Pilipinong nasa Pilipinas ngunit ipinalalagay ang mga sarili na nasa ibang bansa.

Napakasakit tanggapin ang katotohanan: Nawala ang Pilipinas sa puso at sa isip ng mga Pilipino. Malaya na ang Pilipinas, ang mga Pilipino'y “nagpapakadalubhasa”pa rin sa iba't ibang wikain. Hindi masamang mag-aral ng wikang dayuhan. Ang totoo, ito' y kayamanan ng diwa, isip at pagkatao. Ngunit ang magmahal sa sariling wika na siyang kaluluwa at larawan ng isang bansang malaya ay higit na kapuri-puri, sapagkat walang bansa sa ibabaw ng daigdig na walang sariling wika. Ang Indonesya na may higit na 200 wikain ay nakabuo ng wikang Kastila buhat sa wikang katutubo. Gayundin ang Alemanya, Rusya, Tsina, Hapon at iba pang bansa sa daigdig, katulad ng Pransiya na nakabuo ng wikang Pranses buhat sa wikang katutubo.

Sa Pilipinas ay nag-ugat ang iba't ibang wikain. Nabuhay ang mga sangang kumakatawan sa iba't ibang wika. Ngunit ang pinaka-ugat ay hindi masasabing wikang Pilipino. Hindi matatanggap ng mga PIlipino sapagkat batid nilang ang Pilipinas ay wala pang sariling wikang dapat ipagmalaki.

Nasaan ang puso't damdamin ng mga Pilipino sa Pilipinas? Nasaan ang Pilipinas sa damdamin at puso ng mga Pilipino?

Nariyan ang mga “magagaling” at “kagalang-galang” na pinuno ng pamahalaan. Sa panahon ng kanilang pamumulitika, nalibot ang buong Pilipinas. Humahanga sa kagandahan ng kanilang bayan. Sa kanilang talumpati-walang taong maghihirap. Ang pulubi ay nagiging mayaman sa isang sandali. Ang mayaman ay lalng magiging mayaman at hinid kailanman magiging pulubi. Ang mga pangit na lansangan ay gumaganda. Ang mga kalsada ay sementadong lahat. Walang nakawan sapagkat ang tao'y binibigyan ng mga gawain. Walang patayan sapagkat pangangalagaan ang katahimikan ng mga mamamayan. Anupa't napakabuti, napakaganda ng kanilang mga sinasabi. Lahat ay sa kagalingan ng bayan… sa kapakanan ng mga Pilipino sa Pilipinas.

Ano pa ang hahangarin ng mga dalaga sa mga pulitikong walan gnasa isip kundi ang kapakanan ng bayan? Ano pa ang hahanapin ng mga Pilipino sa kanilang kapwa Pilipinong nakahandang maglingkod ng buong puso at katapatan? Marahil, wala na!

Napakaraming dalaga ang nakakasal sa mga pulitiko tuwing halalan. Ngunit pagkatapos n gkasal, lumuluha ang mga kaawa-awang ina, karamay ang mga mahal sa buhay na Pilipino. Ang mga pangako ng mga pulitiko ay magkaron lamang ng katuparan sa sandali ng kanilang pagtatalumpati at panliligaw.

Pagkatapos ng kasal, isang marangyang kasalan ang naganap sa Pilipinas saksi ang mga Pilipino. Napakasal ang mga nagtagumpay na pulitikong Pilipino sa mga dalagang dayuhan. Ang katuparan ng kanilang pangako ay naganap sa Pilipinas, ngunit hindi sa kapakanan ng mga Pilipino, kundi sa kabutihan ng mga dayuhan.

Sa bawat sulok ng Pilipinas, nagalakihan ang mga bahay-kalakal ng mga dayuhan. Ang knailang mga tindahan ay dinudumog ng mga Pilipino. Nagiging ganap ang kanilang kasiyahan tuwing makaibili ng mga kagamitang hindi gawa sa Pilipinas. Laging hinahanap ng mga Pilipino ang mga kasangkapang hinabi sa ibang bansa. Naniniwala silang ito ay matibay, mahal at mahal ang halaga, at kung nakikita ang mga naturang kagamitan ng kanilang kapuwa Pilipino ay tiyak na sila ay magtatamo ng mga papuri at paghanga. Gustung-gusto ng mga Pilipino ang pinupuri at hinahangaan sa mga bagay na hindi kapuri-puri at kahanga-hanga. Buong karangalang ipinagmamalaki: “Pilipino nga ako, pero ang aking kagamitan ay state side.”

Nagsisikip ang aking dibdib tuwing masasaksihan ang nangyayari sa kabuhayang pambansa ng Pilipinas. Hindi magkakaroon ng minimithing kaunlaran sapagkat hindi tinatangkilik ng mga Pilipino ang iba’t ibang industriya ng Pilipinas. Ang mga Pilipino na rin mismo ang pumapatay sa kabuhayan ng Pilipinas sa halip na sila ang bumuhay at magmahal.

Nasasaktan ako tuwing makikita ang mga Pilipinong namamasukan sa mga pagawaang nasa Pilipinas ngunit pag-aari ng mga dayuhan. Maghapon silang nagpapatulo ng pawis upang mabuhay. Yuko ang ulong sumunod sa mga kautusan ng mga namamahala. Hindi makaimik. Hindi makapagpaliwanag. Hindi makatutol hindi makabala. Nagtitiis na lamang sila sa isang sulok, lumuluha, sugatan ang puso, windang ang dibdib at sakmal ng kabiguan. Mula noon, hindi na ko napagkatulog. Gabi at araw ay iyan na lamang ang laman ng aking isip. Ang bawat patak ng pawis buhat sa bisig ng mga Pilipino ay sariwang dugong sinipsip at nagbibigay-buhay sa mga dayuhan. Sa halip na ang mga dayuhan ang magpatulo ng pawis, ang mga Pilipino ang nagbabanat ng buto. Iyan ang kabaligtaran sa paningin ng mga Pilipino sa Pilipinas ay maganda. Iyan ang kabaligtaran sa ikalawang pagkakataon ay nais kong muling mabaligtad upang makita ng mga Pilipino ang kanilang pagka-Pilipino sa sariling bayan. Iyan ang kabaligtarang ibig kong takasan ngayon, sapagkat kinatatakutan ko ang pagsapit ng sandaling mawala ang Pilipino sa Pilipinas… ang Pilipinas sa mga Pilipino.

Hindi ako isang tunay na Pilipino. Hindi ako ang Pilipinong isinilang at nanirahan sa Pilipinas ngunit ikinahihiya ang pagka-Pilipino. Hindi ako ang Pilipinong nauumid magsalita ng wikang may sairling daigdig sa Pilipinas. Hindi ako ang Pilipinong ikararangal bigkasin ang wikang dayuhan maipakilala lamang sa buong daigdig na siya ay marunong… hindi basta basta, wika nga. Hindi ako Pilipinong nang matuto ng wikang dayuhan ay niyuyukaran ang sariling wika. Hindi ako ang Pilipinong ipinaglalantaran ang kapangitan ng Pilipinas sa paningin ng ibang bansa. Hindi ako ang Pilipinong tumatangkilik sa industriya at kalakal ng mga dayuham. Hindi ako ang Pilipinong bumubuhay sa mga dayuhan at pumapatay sa kapwa Pilipino. Hindi ako ang Pilipinong inihalal ninyo sa tungkulan noong mga nakaraang halalan at nang magtagumpay ay tumalikod sa katuparan ng mga pangako. Hindi ako maaaring lumahok sa pulitika.

AKO AY ISANG DAYUHAN, ipinanganak… lumaki, at nagkaisip sa ibang bansa. Dugong-dayuhan ang nananalaytay sa aking mg augat. Mahal ko ang aking bayan kaya ako umalis. Ngunit pag-alis at kailanman ay hindi nangangahulugang hindi na ako magbabalik. Pag-alis na ikinalungkot ng aking kababayan, ngunit ikinagalak ng aking kapwa tao. Batid ng aking mga kalahi na mahal ko ang aming bayan at hindi maaaring itakwil habang ako’y nabubuhay…habang ako’y nasa ibang lupain.

Sa aming bayan bago ako nagtungo sa Pilipinas, nakatagpo ako ng isang Pilipino. Naging magkaibigan kami. Ayon sa kanya, umalis siya sa Pilipinas sapagkat namumuhi siya sa mga Pilipinong hindi makabayan. Walang pag-ibig at pagpapahalaga sa tinubuang lupa. Hindi siya magbabalik sa Pilipinas hangga’t hindi natatagpuan ng mga Pilipino ang knailang pagka-Pilipino.

Iisa ang aming layunin, ngunit nagkahiwalay kami ng landas. Siya ay umalis, ako ay dumating.

Ngayon, isang bagay ang natitiyak ko sa aking sarili. Hindi ako aalis sa Pilipinas hangga’t hindi nagigising ang mga Pilipino sa mahimbing na pagtulog sa kandungan ng Pilipinas.

Sa pagbabalik ng aking kaibigan, sasabihin ko sa kanya: Masdan mo ang mga PILIPINO SA PILIPINAS.

 

Copyright © 2020
All Rights Reserved

Comments

Popular Posts

Disclaimer

The information contained in this website is for general information purposes only. The information is provided by “Poetika at Literatura” and while we endeavour to keep the information up to date and correct, we make no representations or warranties of any kind, express or implied, about the completeness, accuracy, reliability, suitability or availability with respect to the website or the information, products, services, or related graphics contained on the website for any purpose. Any reliance you place on such information is therefore strictly at your own risk.

In no event will we be liable for any loss or damage including without limitation, indirect or consequential loss or damage, or any loss or damage whatsoever arising from loss of data or profits arising out of, or in connection with, the use of this website.

Through this website you are able to link to other websites which are not under the control of “Poetika at Literatura”. We have no control over the nature, content and availability of those sites. The inclusion of any links does not necessarily imply a recommendation or endorse the views expressed within them.

Every effort is made to keep the website up and running smoothly. However, “Poetika at Literatura” takes no responsibility for, and will not be liable for, the website being temporarily unavailable due to technical issues beyond our control.


J.M. Benavidez Estoque "Poetika at Literatura"
All Rights Reserved
Copyright © 2009 - 2021