Ang Silindro ni Doy

ni Wilfredo P. Virtusio

Harmonica Painting by Kate Fortin

Ang anumang bagay na kanyang pag-aari ay handa niyang pamuhunan ng buhay kapag inaagaw ng ibang tao. 

Ang buong pangalan niya'y Sancho Pancho, pero ang tawag sa kanya ng buong Brigada D ay Doy. Pandak si Doy, apat na talampakan at sampung dali ang taas, maitim, matipuno ang katawan, usli ang mga buto sa mukha, makapal ang kilay, madidilat ang mga matang may kakatwang ningning, madidilaw na ngipin. Kung hubad si Doy... at lagi siyang hubad... ay kapansin- pansin ang dalawang pilat sa kaliwa niyang tagiliran.

"Dahil ba sa tingga yan, Doy?" usisa ko nang unang gabi ko sa Brigada D. Magkatabi ang tarima namin, parehong pang-ibaba ng aapating katreng bakal. Baril man ine, 'noy," sabi ni Doy.

"Ano'ng nangyari?" tanong ko."Natiyempuhan ka ba ng mga lespu sa pagtutok?"

"Diman noy... sabi ni Doy. At sa magkahalong Onggo at Tagalog ay ikinuwento niya sa akin ang dahilan na mga pilat na iyon. Umano, dahil sa kahirapan ng buhay sa Negros ay lumikas siya sa Mindanao, kasama ng kanyang asawa at tatlong anak. Humimpil sila sa isang kagubatan, naghawan ng sukal, nagbungkal ng birheng lupa. Pagkaraan ng ilang tag-ulan at tag-init ay nakamtan ni Doy ang bunga ng kanyang paghihirap at maligayang maligaya siya sapagkat hindi magugutom ang kanyang asawa't anak. Subalit isang araw ay dalawang lalaki ang dumating sa sinasaka niyang bukid, inangkin iyon. At ayon sa mismong pagsasalita ni Doy sa pagkukuwento niya: "Akon ang lupang ine" sabi niya sa dalawang lalaki. "Nang unang mag-adto ako dire, damo pa mga punongkahoy. Nalinis ko mang mag-isa. Maaga pa nag-ubra na ako, gabi na nag-ubra pa rin ako. Iniladlad ng dalawang lalaki ang mga papeles-"papeles," sabi ni Doy. "Di man ako marunong magbasa. Basta akong lupa ine!" Umalis ang mga lalaki pero ilang araw pa ay nagbalik, kasama ang isang pulis ng bayang nakasasakop sa kagubatang iyon. Pinaaalis Si Doy sa kanyang bukid. Nagalit si Doy. Tinaga niya ang dalawang lalaki. Binaril siya ng pulis. Napatay ang dalawang lalaki, nabuhay si Doy at nahatulan siyang mabilanggo nang habangbuhay. Umuwi ang kanyang mag-iina sa Negros at ang lupang dati'y madawag na gubat ay napasakamay ng kung sinong di niya kilala.

Syempre pa, hindi ako naniniwala nang ikuwento sa akin ito ni Doy. Kung nasa bilibid ka, at ilang ulit na akong labas-masok sa city jail bago tuluyang napasok sa Big House, para hindi mabilog ang ulo mo, kailangang ang sinasagap ng isang tainga mo'y ilabas sa kabila.

Uto-uto si Doy, natuklasan ko nang sumunod na mga araw. Ipagawa mo na ang gusto mong ipagawa, sabinin no lang na "palo ako sa kaha mo, Doy," at gagawin niya Kung 'ala kang pomada, sabihin mo lang na "palo ako sa buhok mo, Doy" at ayos na'ng problema mo. O kaya'y "Yosi nga, Doy, ikaw lang ang pag-asa ko e," at hindi lang isang bilog ang ipahihitit sa 'yo.

Walang dalaw si Doy pero hindi siya nawawalan ng sigarilyo. Houseboy siya ng buong Brigada D. Madaldal si Doy. Makuwento. Pero walang matinong bilanggo na nakikipag-usap sa kanya. Ako, pagkat magkatabi nga ang tarima namin at pagkat malakas ako sa sigarilyo, ang madalas sumasagap ng mga kakuwanan ni Doy.

"Mahal mo ba'ng asawa mo?" isang gabi'y tanong sa akin ni Doy.

"Oo," sagot ko kahit hindi niya binabanggit kung sinong asawa.

"Mahal mo rin ang mga anak mo?"

"Mahal ko," sabi ko at pahapyaw kong tinanong sa isip kung ilan na kaya ang nagiging mga anak ko.

"Di ko lang mahal, kundi mahal na mahal ang mga anak ko," sabi ni Doy.

"Natural lang na mahal mo ang asawa't mga anak mo," sabi kong nakadarama na ng pagkainis.

Natahimik si Doy. Ang hagok ng mga bilanggong malapit sa amin ay nakisaliw sa naulinigan kong pagbubuntunghininga ni Doy.

"Alam mo.. mayamaya'y narinig ko, "masaya sana kami kung way nagkuha sa lupa ko. Siling ko sa kanila, akon ang lupang 'yon. Siling ko, di nagutom ang mga anak ko, Siling ko pa, gusto nilang mga usa at baboy-ramo, magnatag man ako wag lang nilang kunin ang lupa ko..."

"Naikuwento mo na sa kin 'yan" putol ko.

Natahimik uli si Doy.

"Noy..." pagkuwa'y narinig lko naman. Lumingon ako at nakita kong ang kakatuwang ningning sa mga mata ni Doy ay naparam at nahalinhan ng malabong kislap na angkin lamang ng mga taong puno ng salaghati ang buhay. "Bakit ganito'ng mundo? Bakit kahit imo na, kinukuha pa ng iba? Bakit nila ko ginakulong? Way man akong kasalanan, a. Sila man ang me arang kasalanan, a."

"Matulog ka na!" sabi ko. Isang bagay iyong ipinagtataka ko kay Doy: pagago-gago siya pero may mga sandaling 'kala mo'y matino.

Isang hapong galing ako sa pagtatrabaho sa labas ng pitan ay naratnan kong nakahilata sa kanyang tarima si Doy, nakasalpak sa bibig ang isang makintab na silindro.

"Sa'n galing yan" tanong ko.

"Akon ine," sagot ni Doy, "Ginabenta sa akon"

"Marunong ka ba?"

Dinala uli ni Doy sa bibig ang silindro. Hinipan. Tumunog-tunog. Hinigop. Tumunog. Paulit-ulit niyang ginawa iyon.

"Turuan mo 'ko," pagkuwa'y nakatawang sabi ni Doy.

Nakaawang ang bibig ni Doy kaya litaw na litaw ang malalaki, madidilaw niyang ngipin.

"Gago mo!" suyang-suyang sabi ko.

Sa kauna-unahang pagkakataon, hindi ako ginambala ni Doy nang gabing iyon ng mga walang kamuwangan niyang katanungan. Nang sumunod pang mga gabi ay ang silindrong iyon ang naging kaulayaw niya. Ang malabong kislap sa kanyang mga mata ay hindi ko nakita.

"Pakinggan mo ine, noy", isang hapon ay sabi ni Doy. At ginagap ng kanyang bibig ang ngayo'y kakaiba, may tono ang kanyang tinutugtog. Kung di ako nagkakamali'y ang tugtuging "Ay, Ay, Kalisud." Bigay-hilig sa pagtugtog ang gago, papikit-pikit pa.

"Sa'n mo narinig yan?" tanong ko.

"Ine man ang ginaharana ko sa misis ko," sabi ni Doy. Tumugtog uli si Doy. Maharot. Yumuyugyog ang katawan ng gago. Pumapadyak-padyak pa. Sa'n ko ba narinig ang himig na yon? A, ang "A Hard Day's Night" ng Beatles!"

"Linsyak ka, wag mong sabihin 'yan din ang ipinagharana mo sa misis mo."

"Narinig ko man 'yan na ginatugtog sa gagmay na radyo ni Tsip." Si Tsip ay isang dating pulis sa isang bayan sa Pampanga. Kakatwa na Siyang dating nagbabantay ay siyang binabantayan ngayon!

Kung hindi nakaligtas man ako sa pakikipag-usap ko kay Doy dahil sa pagkalibang niya sa kanyang silindro ay higit na sakit naman ng ulo ang idinulot sa akin niyon. Pagkakaing-pagkakain pa lamang at alas-singko medya pa lang ay naghahatid na ng rasyon sa brigadaay uumpisahan na ni Doy ang pagtugtog. At malalim na ang gabi, tahimik na tahimik na ang buong brigada'y tumutugtog pa rin si Doy. Pati ang ibang bilanggo, lalo na iyong malapit sa amin ay nagparamdam ng pagtutol.

"Kung ayaw mong matulog, magpatulog ka naman!" isinigaw ni Simon.

"Baka multuhin ka n'yang ginagawa mo!" sasabihin naman ni Mon.

"Matulog na kamo, di man ako magpatulog sa inyo," isasagot naman ni Doy at lalo niyang lalakasan ang pagtugtog.

Nanlalalim ang mga mata ni Bruno, isang payat at balbasing lalaki na siyang may hawak kay Rose (Rosauro) nang umagang iyon. Naglilinis ng palikuran si Doy. Hayup talaga yang si Doy!" sabi ni Brunong nagngingitngit. "Magdamag na nagsilindro. Di tuloy ako nakatulog."

"Wag mong sabihing natutulog ka pa!" biro ni Ben.

Nag-usap-usap kami at nagkaisa kami ng hinaing: pinupuyat kami ng pagsisilindro ni Doy. Naghain ng remedyo: bimbangin si Doyo tuluyan nang tepokin, pero maraming tumutol: mabait naman si Doy, marunong din namang makisama. Kung nakawin kaya ang silindro? Nagkaisa sa mungkahing iyon.
Noon din ay hinalungkat ko sa tarima ni Doy ang susi sa baul na pinagtataguan niyang silindro. Nang makuha ko ay ipinatago ko kay Ben na ang tarima'y malayo-layo sa amin. Maaaring maghanap sa tarima ko si Doy.

Nang hapong iyon, sa makapasok pa lamang ng pintuang bakal ng brigada ay sinalubong na ako ni Doy. Ang malabong kislap sa kanyang mga mata, na matagal ding nawala ay muli kong nasinag sa kanya.

"Nawala man ang silindro ko," sabi ni Doy. "Ginakaw man ang silindro ko! Ginakaw man!

"Sino'ng nagnakaw?" pagmamaang-maangan ko.

Hindi umimik si Doy; mataman lamang siyang tumingin sa akin, nanunuri ang mga mata. Kinabahan ako. Tumalikod ako at nagsimulang humakbang. 

"Noy" pagkuwa'y narinig ko. Tumigil ako, lumingon, at nakita kong ang lamlam sa mata ni Doy ay nahalinhan ng magalaw at malikot na lisik. "Ikaw man ang nagnakaw sa silindro ko," sabi ni Doy nang makalapit sa akin. "Ikaw man lang ang nakakaalam kung diin ko itago ang silindro. Ginakaw mo man ang Silindro ko!" At hinablot ng mga kamay ni Doy ang pitsera ko; naangat ang mga paa ko sa baldosang sahig.

"H-hindi ko ninakaw Doy..." sabi kong nanginginig ang boses.

"Akon man ang silindrong yon.. Ginabakal ko man yon... Kung hingi ka man sa kong sigarilyo, gahabag man ako pero di mo sana ginakaw ang silindro ko. Bakit ginakaw mo man, di man iyo 'yon? Akon man yon! Akon man 'yon! Ako man 'yon! " at isang bigwas ang dumapo sa mukha ko, pabalandra akong tumihaya sa sahig. Saglit na hinamig ng karimlan ang diwa ko. Nang pagsaulian ako ng malay ay nakita kong pigil pigil si Doy ng iba naming kasamahan. Nagwawala si Doy; nanlilisik pa rin ang mga mata. Pakaladkad siyang dinala sa kanyang tarima.

Inalalayan ako nina Bruno at Simon sa pagtayo. May bukol akong nasalat sa noo. Malakas sumuntok ang gago.

Naroon pa rin kami sa may pintuan ng brigada, takot pa akong magbalik sa aking tarima, nang humahangos na lumapit si Doy. Pigil niya sa isang kamay ang silindro.

"Nakuha ko na sa ilalum ng akong brigada," sabi ni Doy. Naroon na naman ang kakatwang ningning sa kanyang mga mata. "Nakuha ko na ang silindro..." Ang makinang na kislap sa kanyang paningi'y nabasag at gumuhit sa matagihawat niyang
pisngi. Umiiyak ang gago!

Naisip kong ibinalik ni Ben ang silindro nang makita ang ginawa sa akin ni Doy.

"Patawad mo man ako, 'noy," sabi ni Doy. "Kala ko man ikaw ang nagnakaw sa silindro ko."

Hindi ako umimik. Nasalat ko ang bukol sa noo. Masakit. "Suntukin mo 'ko, 'noy, para makaganti ikaw."

Hindi pa rin ako umimik.

"Sige na, 'noy" himig-pakiusap pa ni Doy. "Kung di mo man ako suntukin, di man ako matahimik. Isipin ko mang galit ka sa'kon."

"Gusto mo talaga? paniniyak ko.

"Gusto ko man," sabi ni Doy

Sinapok ko si Doy sa nguso. Nabiyak ang pang-ibabang labi niya, sumago angu Pinunasan niya ng maruming laylayan ng kamiseta. Pagkuwa'y nakangiting inilanau akin ang makalyong palad.

"Amigo uli tayo," nakatawang sabi ni Doy. Mahigpit ang pisil ni Doy sa palad ko. Napakurap ako.

Nung gabing iyon ay naisip ko si Doy. Naiisip ko ang ikinukuwento niyang naging dahilan ng mga pilat sa kanyang tagiliran. At naiisip kong maaaring totoo nga iyon. Naiisip kong ang pagkagalit niya kanina ay siya ring pagkagalit niya noong kinukuha ng dalawang lalaki ang bukid niya. Waring ang hinahanap niyang kung ano na hindi ko matalos kung anong talaga ay nasumpungan niya sa silindrong iyon. At naisip ko rin na gaya ng bukid niya, ay handa niyang ibuwis ang buhay sa pag-angkin sa silindrong iyong kanyang-kanya lamang.

Bubuklatin ko na sana ang puslit na magasing puno ng larawan ng hubad na mga babae nang marinig ang himig sa Silindro ni Doy. Malungkot ang himig tila dumaraing, tila lumuluha: basang sisiw. Lumukob sa nahihimlay nang brigada ang humihibik na tugtog; mula sa rehas na bintana ay nasilip ko ang gasuklay na buwan sa mabituing gadipang langit.

Napapikit ako. Mariin. At idinuyan ako sa pagtulog ng malambing na tugtuging nagmumula sa makintab na silindro ni Doy.



Copyright © 2020
All Rights Reserved

Comments

Popular Posts

Disclaimer

The information contained in this website is for general information purposes only. The information is provided by “Poetika at Literatura” and while we endeavour to keep the information up to date and correct, we make no representations or warranties of any kind, express or implied, about the completeness, accuracy, reliability, suitability or availability with respect to the website or the information, products, services, or related graphics contained on the website for any purpose. Any reliance you place on such information is therefore strictly at your own risk.

In no event will we be liable for any loss or damage including without limitation, indirect or consequential loss or damage, or any loss or damage whatsoever arising from loss of data or profits arising out of, or in connection with, the use of this website.

Through this website you are able to link to other websites which are not under the control of “Poetika at Literatura”. We have no control over the nature, content and availability of those sites. The inclusion of any links does not necessarily imply a recommendation or endorse the views expressed within them.

Every effort is made to keep the website up and running smoothly. However, “Poetika at Literatura” takes no responsibility for, and will not be liable for, the website being temporarily unavailable due to technical issues beyond our control.


J.M. Benavidez Estoque "Poetika at Literatura"
All Rights Reserved
Copyright © 2009 - 2021