"GINTO...GINTO... Baka po kayo may ginto riyan? Mga mama... Mga ale.. Ginto.." ang alok-anyaya ng isang babaing nakakimona at ang saya ay humihilahod sa sakong at siyang lumilinis sa makapal na alikabok sa bangketa.
"Baka po kayo may ginto?"ang muling sigaw ng babae.
Kung may ginto ako ay bakit ipagbibili ko? Hindi baga mahal ang ginto kaysa sa kuwalta? sambot ng isang lalaki na ang kausap ay ang kaakbay.
Ang kalipunan ng mga taong naglipana sa Azcarraga, Avenida Rizal, at Escolta ay may mamimiling walang puhunan (karamihan) at mga tagapagbili ng mga bagay na wala sa kanila at lalong hindi kanilang pag-aari. Ang hanapbuhay ng mga ito ay magtala ng papel ng mga bagay na nababalitang ipinagbibili. Madalian ang kanilang usapan. Mabilis magkasundo. Tiyak ang pook na tipanan sa harap ng isang mesa; sa ibabaw ng umaasong kapeng mais na pinapuputla ang kulay ng gatas na may bantong gata ng niyog. Kung sila y palarin: kakamal ng libo, kung mabigo naman ay gutom maghapon.
Sa tawaran ay hindi magkamayaw. Tingin, Tawad, Tingin, Silip, Tawad. Tingin sa singsing, kuwintas, hikaw, at pulseras.
"llang ply? Ano ang sukat ng goma? usisa ng isa.
"Aba! Sinasabi ko sa iyo... Garantisado. Hindi ka mapapahiya," tugon ng tinanong.
"Hoy, tsiko, ang iyong lote, may tawad ba. Ano, magkano ang talagang atin doon? Mayroon na ba tayo? Baka wala? Ihanda mo ang papel. Bukas ang bayaran. Tiyakin mo lang ang ating salitaan, ha? Kahit hindi nakasulat.. Ikaw ang bahala?"
"Ako ang bahala, boy. Alam mo na ang bilis natin. Hindi ka maano. Hawak natin ang ibon."
Ang ibang maingat, gumagamit ng lenteng paninag sa mga tapyas ng brilyante Nangingilag sa basag na bote; iyong may karbon; iyong may lamat. Malulugi kapagka nabigla sa pagtawad. Sa bawat may lenteng tumitingin ay marami pang taong nakapaligid na nag-aantay na makasilip naman; makatingin at tumawad sa singsing, hikaw, at pulseras. Ang init ng araw ay di-alumana ng mga tao. Ayaw iwan ang kakapalan ng nagtatawaran ng lupa, bahay, bakal, pako, trak, lantsa, kabayo, makinilya, at iba pang mga bagay. Kakain lamang upang magbalik, babalik lamang upang makipag-usap, tumawad, at tumingin. Ang maghapon ay natatapos na nakapanghihinayang na pakinabang nauubos upang umasa sa isang kinabukasang marahil ay lalong mapalad at manigo.
"Balut...Balut...Baluuuut... Baluuut!"
"Puto...Put..Put...Puto.."
lyan ang mga tagapambulahaw sa mga natutulog, sa mga may nanlalambot na mga tuhod.
Isang oras lamang, maaari ba, kabayan pakikita ko lang sa aking buyer. Magugustuhan ito. Cash ngayon din. liwan ko muna ang aking tuhog sa iyo. May halaga iyan."
"Huwag na. Dalhin mo. Sisirain mo ba ang iyong pangako? Kilala naman kita. Madali ka. lisang oras ang pangako ng aking kaibigan sa may-ari nito. Kaya kung dadalhin mo ay sige. lbalik mo agad. Aantayin kita. Hindi ako aalis; bago mag-ikalabindalawa."
Humahangos ang pinagbigyan ng singsing. Naglagos sa kakapalan ng mga tao. Madagil o makadagil ay tuloy sa kanyang paglakad. Hinahawi ng kanyang mga bisig ang mga tao. Isinisingit niya ang kanyang manipis na katawan. Maikli lamang ang palugit sa kanya sa singsing- iisang oras.
Ang taong humahangos at nagmamadli na tila nakikipag-agawan ng oras ay si Maciong. Kabilang si Maciong sa mga bumibili nang walang puhunan kundi laway at nakapagbibili nang wala kundi sa listahan. Isa siya sa mga ahente sa pamilihang kalye na lalong malaki ang pakinabang sa kanyang listahan kaysa tunay na tinatanggap ng kanyang bulsang palaging puno ng bigong Paghihintay.
Si Maciong, na kasalungat ng katwiran at batayan ni Luisita, ang kanyang kabiyakng dibdib, ay may paniwalang ang pananagumpay sa buhay ay nakasalig sa kaunting bilis ng isip na kanyang tinatawag na "abilidad." Ang "abilidad" na iyan ni Maciong ay siyang ipinangako kay Luisita. Maipakikilala niya ito sa iba't ibang sukat ng goma; sa mga hawak niyang option sa trak, sa auto, sa bahay, sa lupa, at marami pang iba. Iyan ang kanyang inaasahang masasalapi hindi maglalaon. Mga katapatan lamang niya ang kanyang pinagsasabihan. Baka siya maunahan kung siya'y magsasabi. Mabibigo ang kanyang pangarap. Muli siyang susumbatan ni Luisita.
Nakaraan din si Maciong sa kumukutong mga tao.
"Tengeng... Teng... Teng..." ang tinig ng dumaragsang dambuhala ng trambiya na araming sakay na hindi makapasok sa loob, trambiyang tila baga isang kalabaw na di makayanang lumulon sa sinasamungol na sakate sa kanyang namumuwalang bunganga.
Nangunguyapit lamang si Maciong sa tansong hawakan sa trambiya. Doon siya nagpalumaging nakabitin.
Pasok po sila... Pasok po kayo.. Dito sa loob at maluwag. Pasok... Pasok..." ang dugtong na utos ng konduktor. Hindi alumana ni Maciong ang pagdudumali ng konduktor. Lalong hindi napapansin ni Maciong na ang kanyang pagsambot sa tiket ng isang bumili ay sinusulyapan ng konduktor. Ang pagpasok ni Maciong sa umiblo ng trambiya ay hindi nalingid sa kabatiran ng konduktor. Hindi pansin ni Maciong ang pagpapatunog ng taladro ng konduktor.
"Tsip... Ang tiket ninyo?" usisa ng konduktor kay Maciong.
"Narito," sabay abot ni Maciong sa tiket na halos mainit-init pa buhat sa kamay ng kaibis na mapagkawanggawa na sinambutan ni Maciong.
"Hindi ba kapapasok mo lamang?"
"Kanina pa ako. Bumago lamang ng upo."
"Saan kayo sumakay?"
"Sa trambiya. Saan pa?"
Hindi napigil ng mga nasa paligid na nakikinig ang pagtatawanan, na naging sanhi ng pamumula ng konduktor.
"Saan kang pook ng Maynila nagsimulang sumakay?" Ang buong linaw na tanong ng konduktor sa hangad na makabawi sa pagkapaniya.
"Itinanong mo na kanina iyan," tugon ni Maciong. "Itatanong mo na naman. Ewan ko ba? Tingnan mo sa tiket. Diyan mo iginupit kanina. Hindi ka ba marunong bumasa?
Naghagikgikan ng tawa ang mga nasa paligid nila na nakikimatyag sa kanilang pagmamainitan.
Buong pagngingitngit na tinitigan ng konduktor ang gusot na buhok ni Maciong. Sinukat ang laki ng bisig nito; hinagod ng malas ang taas at nang ang kanyang mapanuring paningin ay dumako sa mga kupi-kuping tainga ni Maciong na tila kulubot na sitsarong Bukawe ay nagkunwang tinungo ang pintuan ng trambiya upang makaibis at makasampa ang maraming sakay.
Mag-iikalabing-isa na at kalahati ng tanghali. May kalahating oras pang nalalabi sa ibinigay sa kanyang palugit upang ndipagol ang singsing. Natitiyak ni Maciong ang pakinabang na halos binibilang na niya sa kanyang mga palad na hindi mag-aamoy kuwalta may ilang buwan na.
Nagdudumaling nanaog si Maciong sa Plaza Burgos. Nag-uumihit na sinundan ang isang taong may bitbit na bayong nawag niya Sa pangalan ang taong iyon. Lumingon ang tinawag. Nagkakilala silang dalawa.
"Hoy, Tasio, dala ko ang singsing. Bumibili pa ba ang ating buyer?"
"Aba! Eh.. Kailan ba tayo huling nagkausap? Matagal na. Nawala na sa loob ko. Akala ko'y wala kang makukuha. Sayang nakabili na. Bayaan mo at sa ibang araw."
"Maciong, tigilan mo na ang lintik na buy and sell na iyan. Payat ka na, ang pambili mo lang ng sigarilyo ay hindi mo makita. Panay na lakad... Lakad... Tuwid... Lakad...Tuwid... Sa libo-libong wala. Nasaan ang iyong siyang inaalmusal mo. Panay na ang kita ko sa labada ang iyong nginanganganan... Para kang luklak na ibong nag-aantay ng ngungu ng ina."
"Luisita, masasabi mo ang lahat sapagkat iyan ang iyong nakikita. Hindi abot ng isip mo kung bakit si Pedrong Makunat ay tagapangasiwa ng Lucky Spot Real Estate Agency. Si Kamelong Palos hayan.. May malaking tanggapan ng bakal at ang halaga ng kanyang bakal ay sampung ibayo ng kanyang dating puhunan. Sila ay pawang nagsipagsimula sa walang katulad ko. Si Ruperto, si Mariano, kapwa may bahay na ngayong sarili. Hindi ba ang mga diyablong iyan ay katulad ko ring nagsimula sa lapis at papel?... At si Calixto, si Melanio. Aba! Baka masilaw ka sa kanilang suot na brilyante Mamatahin mo, ngunit mayroong libreta de bangko. Sila ay para-parang nauna sa akin, ngunit nahuli ako upang mauna. Hindi sila nakatitiyak sa aking abilidad."
Lubayan mo ako, Maciong. Sa abilidad mong iyan, diyan ka magugutom. Kain na, lalamig ang salabat. Baka naiinip na sa iyo ang iyong kaisplit."
"Nalalaman ko ang aking ginagawa. Ang aking kapalaran ay hawak ng aking dalawang palad. Ang daigdig ay nakapaloob sa aking ulo."
"Naku! Magtigil ka na. Makita ko. Bagay sa iyo ang magsaka. Doon ka sa gitna ng bukid magbungkal at tiyak ang iyong pakinabang. Hindi mo kami mabubuhay sa swing swing na iyan. Hindi namin makakain ang lintik na listahang iyan. Magsisilaking tanga at walang muwang ang iyong mga anak."
Kumain si Maciong nang walang imik. Ilang subo lamang ang kanyang ginawa at ilang higop ng kapeng mais. Kabilang na naman si Maciong sa hukbo ng mga nagbibili at bumibili ng hindi kanila at wala pa sa kanila.
"Tiyak ba ang iyong sinabi? Malayo bał Pick-up hane?"
"Oo, pick-up lang. Malapit lang. layo na."
Pulo-pulo ang mga nag-uusap. Kani-kanyang alok; kani-kanilang tawad. May humihipo ng singsing. May sumisilip, may lumelente sa maliit na tapyas ng brilyante. Silip... Tingin... Tawad... Silip... Tingin. Tawad..
"Maciong, ano ba iyong line ngayon? Mayroon ka bang buyer ng goma ng trak? Mayroon akong dalawampu."
"Ako? Kahit anong pagkakasalapian. Totoo ba ang goma mo? Magkano... Malayo ba? Tingnan natin." ani Maciong.
"Diyan lamang sa tabi-tabi. Isang libong piso ang halaga ng isa."
"Diyan lamang. Tayo na. Iingnan natin. Kung sa bagay, dala na ako sa iyo. Madalas kang mag-alok ng wala. Nasusubo ako sa kompromiso sa aking mga kausap. Makita ko muna bago ko ialok."
"Ikaw naman patay-patay ka," ang salag ng kausap. "Inialok ko sa iyo ang arina, pinabayaan mo. Ang pako, ang trak, ang makina, at ang makinilya. Mabagal ka naman e...!"
Hindi pa sila nalalayo sa kakapalan ng mga nagbibili ng wala ay nasalubong ni Maciong ang dati niyang kakilala, si lTasiong Abuloy, na lalong kinasusuklam niya tuwing magugunita ang kanyang kabiguan sa singsing.
"Mayroon ba tayo riyan?" ang bungad ni Tasio.
"May buyer ka ng goma?"
"lyan ang hanap ko. Nasaan... Ilan.. Magkano?"
"Dalawampu... Isang libo't dalawang daan ang isa; malapit lang."
"Sold. Kung mapahigit ko sa halaga ninyo sa akin, ha? Wala na kayong pakialam sa higit doon. lba na ang malinawan," pagunita ni Tasio.
"Halika na. Iyong lahat. Hoy, tsiko, ang sabi mo sa akin ay isang libo lamang ang bulong ni Maciong sa kanyang kausap. "Wala ka ring pakialam sa labis doon. Hayan... Naririnig mo, Huwag kang magsalita tungkol sa halaga at bayaan mo. Ako ang bahala."
Dalawang tango lamang ang pagsang-ayon ang iginanti ng kausap ni Maciong. Nagtuloy sila sa makipot na lagusan. Tuloy-tuloy silang pumasok sa silong. Maraming agiw na nagsalabat sa daan. Nabulabog ang mga daga. Ang amoy ng mga lumang kasangkapan ay nakapagpapakalam ng sikmura. Tinalikwas ng nagbibili ang ilang piraso ng yero at nabuyangyang sa kanilang nag aalinlangang paniniwala ang dalawampung goma ng trak may balot pang papel.
Lumabas na bigla si lasio upang tumawag sa telepono. Nakilala ni Maciong ang kaugnayan ni Tasio nang ang goma ay hakutin sa trak. Kitang-kita ni Maciong na binibilutan ng sapot ng gagambang bahay ang isang langaw na nabating sa hibla. Habang minamasdan ang agiw na naglawit sa may tagulaming silong na siyang nagpapapangit sa silid na yaon ay hindi maubos maisip ni Maciong kung bakit doon niya natagpuan ang kapalarang ipinagkait sa kanya ng makukulay na sikat ng araw.
Pumailanlang ang isipan ni Maciong. Naririnig ni Maciong ang kiriring ng telepono. Nauulinigan niyang itinatanong kung si Manedyer Maximo Kabangis ay naroon at Kung nais bumili ng goma, ng pako, ng langis, ng yero, ng trak, ng makina, ng bahay, ng lote. Naramdaman ni Maciong na ang hapo at bigong pag-asa niya ay dahan-danang humihimlay sa malambot na kama. Bumabasa ng pang-umagang pahayagan ang mga dumating ay hindi maunawaan. Naririnig ni Maciong ang awit sa radyo; dinig na dinig niya ang "Tindig, aking Inang Bayan; Lahing pili sa Silangan."
Binalak pa rin ni Maciong na ihagis sa nanlilimahid na kandungan ni Luisita ang bungkos ng mga sasampuing piso. Gugulatin niya si Luisita. Hindi na siya bibili ng mga lumang damit sa panulukan ng mga daang Asuncion-Azcarraga para sa kanyang apat naanak na kailan lamang ay hindi niya kayang ibili ng bago. Ipamumukha niya kay Luisita na siya ay may abilidad.
Nagkukumahog si Maciong nang siya ay umuwi nang tanghaliang iyon. Ang biglang pamimintog ng bulsa ni Maciong ay damang-dama at nabubunggo ng kanyang mga hita sa kanyang mabilis na paghakbang. Nakapaglagos si Maciong sa kakapalan ng mga tagapagbili ng wala sa kanila, ngunit di niya gaanong alintana ang mga pagtatawaran, ang patitipanan, ang pagtutuwid sa ibayong pakinabang. Sa ganang kay Maciong ay kanyang lahat ang mga kalye sa Maynila -ang buong Maynila.
"Mama... Mama... Genuine Camel po... Genuine... Gen..."
Hoy, bigyan mo ako," ang tawag ni Maciong. "Magkano?" sabay dukot sa kanyang bulsa na naging masikip sa balumbon ng mga sasampuing piso. Nandidilat ang mga mata ng batang may lakong Camel nang mabunyag ang malaking balumbon ng mga sasampuing piso at walang anumang kumuha ng tatlo nito, iniabot sa bata, kinuha ang sangkahang Camel at ang bata ay iniwang tutuwid-tuwid.
Mga ilang sandali pa, ang bata ay humabol kay Maciong upang ibigay ang sukli.
"Mama... Ang inyong sukli..."
"A! Hindi bale," ang tugon ni Maciong, sa "sa iyo na..." ang dugtong pa na ang tinig ay sinasadyang ilakas upang marinig ng maraming nagdaraan. Hinigit ni Maciong ang kanyang balikat; tinutop ang kanyang bulsa; tumingala sa langit samantala'y patuloy ang usok ng kanyang sigarilyo at ang alingavwngaw ng alukan at bilihan sa pamilihang-kalye ay patuloy...
Patuloy ang pagkiriring ng telepono. Ang pukpok ng bakal sa hulo, sa luwasan ng lungsod ng Maynila, ay patuloy. Ang mga nagtatayugang gusali ay tila nagbabantang umabot sa rurok ng langit. Ang alimbukay ng aso ng alcohol sa lansangan ay nakahihilo. Higit ang mga karitela. Punuan ang mga trambiya. Humahangos ang mga tao sa lahat ng lansangan ng Maynila. Gumagalaw ang lahat ng bisig, ang lahat ng isip, ang buong katawan ng Maynila.
Comments