7:10 Viernes por la noche
![]() |
"Philippines Mother and Child" painting by Vicente Manansala |
Ano pa ang kaya mong isuko?
Ni wala ka pa ngang iniaalay.
Bakit pakiramdam mo
Said na said ka na?
Wala kang ambag,
lalong wala ka ding kabig.
Mas mahirap ka pa sa busabos,
Pero mas mayabang sa isang hari.
Wala ka pang ipinuhunan,
Ngunit naghihintay ka na ng tubo?
Bigong-bigo ka,
pero 'di ka naman umiibig.
Akala mo ba ay nagmamahal ka?
Takot kang masaktan,
Papaano ka mag-mamahal?
Iniisip mo kung iniisip ka din nila.
Pero iniisip mo ba ang gumugulo
Sa isip nila?
Gustong gusto mo
Ang mga palabas ng kabayanihan:
Mga pelikula na ang itinatanghal
Ay ang mga magigiting.
Ngunit hanggang doon na lang
Ang kabayanihan mo.
Siyang-siya kang makihati
sa kathang-isip na kaluwalhatian.
Giyang ka sa bugso ng damdaming
Dulot sa 'yo ng pinilakang-tabing.
Paglilibang: 'yan ang iyong galing.
Ang damdamin mo
Ang tangi mong mundo.
Buhay ka pa,
Pero ang mga pangarap mo
Ay bangkay.
Lalaking maituturing,
Pero wala namang buto.
Comments