Luisita
![]() |
Hacienda Luisita Massacre Photo Credits: Tess McClure |
Ang mga alaala
Ang sangsang ng tamis
Ng katas ng tubo
At dugong dumilig
Sa lupang kulay abo.
Walang umagang hindi naririnig
Ang lagapak ng mga punglo
Na agad bumaon sa laman
At nagpasuka ng dugo
Sa umaamot ng habag at awa
Ng mga panginoon.
Isa ka lamang, o Luisita sa mukha
Ng lagim, ng dilim na kumukumot
Sa bukas ng magbubukid at manggagawa
Na ang puso't kaluluwa'y nakasingkaw
Na parang pagod na kalabaw
Sa mga parang at linang at mga pagawaan.
Ay! Kailan nga ba maghihilom
Ang mga sugat na nagnanaknak?
Kailan maaampat ang pait sa puso?
Marahil sa Huling Paghuhukom,
Sa pithaya ng mga kundiman,
At sa alingawngaw ng sigaw at Digmaan,
Sa panahon na ang madaling-araw
Ay simpula ng dugo
At kikinang ang araw na tila binuling ginto--
Sa araw na wala nang alipin at wala nang panginoon!
Comments