Magnanakaw/ Thief
![]() |
A 1962 Painting by Ben Alano |
siyang ni walang pasabi
kung kailan sinlalim ng gabi
ang ating kawalan
ng pag-intindi.
Dilim siyang nakapaglalagos
sa lahat ng ating pasadyang
pag-iingat, nakapaghahalungkat
sa bawat lingid na silid o sulok
ng ating mga lugod at pag-iimbot.
Ginigising tayo ng alinsangang
dulot ng kaniyang pangahas
na hininga ngunit dagling
naglalaho siya sa pagmulat
ng ating pangamba.
Napapabalikwas ang ating
takot, at kahit bantulot,
hinahagilap natin ang ikinubling
tapang, iniuumang saanman
may hinalang kumaluskos.
Ngunit tulad ng dapat
asahan, tanging tagumpay niya
ang ating nasusumpungan
sa pinto o bintanang
kaniyang dinestrungka.
Malaking puwang sa ating
loob ang iniiwang bakas
ng kaniyang pagdalaw sapagkat
tinatangay niya pati ang liwanag
sa palad nating binutas ng bagabag.
Comments