Pag Ibig
![]() |
"Ligawan" (1963) painting by Fernando Amorsolo |
Isang uri ng kamatayan ang iyong pangalan
Na lagi ko namang pinamumutawi sa aking labi
Tulad ng hanging sumasapi sa akin sa bawat paghinga.
Gumuguho ang lahat sa harap ng namumuhi mong mata
Hindi alam ng puso ko ang susulingan sa sakunang ito
At sa pagtabon ng lupa sa aking mukha
Nais pa ring makapiling ka sa ibang lugar, sa ibang panahon.
Sa isang lugar sa kabila ng mundong dinaraanan lamang natin.
Isang lugar na hindi kumikilala sa hangganan ng kasarian.
Pagkat wala akong ibang pangarap kundi ang ibigin ka.
Pagkat iniibig kita sa bawat pitlag ng aking dugo,
Sa bawat patak ng aking luha.
Pagkat iniibig kita kahit wala na ako sa panaginip
At ang lahat ng sandaling dinadalaw mo ako sa alaala
Ay isang uri ng kamatayan
Sapagkat batid kong hindi akin ang iyong mga palad
Na minsan kong nahawakan,
Sapagkat batid kong hindi akin ang iyong katawan
Na minsan kong niyakap.
Ang nais ko'y muli't muling matikman
Ang iyong pag-ibig sa maliit na silid ng aking isip.
lagi kitang pinatutuloy doon.
Ikaw at ako lamang
At ang munting ilaw na
Aandap-andap.
Hindi ko makita ang iyong mukha
Ngunit kilala ko
Ang iyong tinig
Ang iyong katawan
Ang iyong balat
Ang iyong amoy
Ang iyong lasa.
Nang gabing iyon
Nasa aking bibig ang awit ng dagat
Ngunit ngayon
Ako'y nilulunod lamang ng iyong mata
Sa bawat pagdalaw mo sa silid ng alaala.
Comments