Ang Sining ng Welga
ni : Crisanto C. Rivera
"Welga" ni Neil Doloricon |
Ang Maynila ay hitik na hitik sa mga milgaro. Kapag tag-araw ay nawawalan ng tubig ang mga gripo at kung tag-ulan naman ay lumilipat ang Pasipiko sa lungsod. Kapag nagtipid naman ng Meralco ay nagkakaroon ng “brownout” ngunit bumabawi naman sa mga naglalakihang sunog. Kaya’t nang mawala ang mga sasakyang pampasahero sa mga daan ng Maynila ay hindi man lamang nababahala ang mga mamamayan ng lungsod na gamitin nila ang kanilang mga “kadilakad.” Opo… ang mga sasakyang pampasahero, sapagkat tinaasan ang multa sa mga paglabag sa batas at labis silang hinigpitan ng mga pulis-Maynila. Kaya’t kayraming mga pangyayari ang naganap na hindi dapat maganap.
Nariyan si Romeo na sumabay o naghatid kay Julieta at sapagka’t walang masakyan, sila ay naglakad. Bago sila dumating sa tirahan ng babae na may ilang kilometro ang layo, ay nalglag na ang matamis na “oo” ng dalaga. Ang isa pang ikinatuwa ni Romeo ay ang pagkakaligtas ng kanyang pamasahe.
Ang mga dalaga namang may sukat ng dibdib, baywang at balakang na 42-42-42 (ngunit ayaw aminin ang katotohanang ito) ay nagkakaroon ng pagkakataong magpagaan-gaan ng timbang. Ang hirap nga lamang ay ito: sa pagod at gutom na inabot sa paglalakad ay nadoble ang kinain pagkatapos.
Ano naman kaya ang nangyari sa mga “high-heeled” na sapatos ng mga babae sa panahon ng welga? Marahil ay sinisi nila ang tumuklas ng mga sapatos na iyon. Ngunit ang tiyak na tiyak na nagpista ay ang mga sapatero sapagkat ilang suwelas ng sapatos ang sumuko at nagkauka-uka. Natuwa rin naman ang ga butikaryo sapagkat maraming bumili ng gamot sa rayuma at sa kalyo.
Sa mga mag-aaral at nag-oopisina ay pagkakataon na ito upang pumasok nang huli, umuwi nang maaga, o lumiban nang tuluyan.
Sa mga lalaki namang nasa ilalaim ng saya ng kanilang asawa ay pagkakataon na ito upang huwag umuwi sa bahay.
Ang sakit ng ulo ng mga pulis ay nabawasan sapagkat wala na ang mga tsuper na may matitigas na ulo. Wala na ang mga pilosopong tsuper na itinutuwid ang baluktot na katuwiran at binabaluktot ang tuwid. Ngunit batid ba ninyo na kayraming mga pulis ang nauhaw sa kape sa panahon ng welga sapagkat’t hindi “nakapagdilihensya?”
Muli na namang nagbalik sa mga lansangan ng Maynila ang mgja haring kutsero, ngunit may kasama na sila-ang mga prinsipeng tagapagpatakbo ng “tricycle. At hindi sila nasakyan hanggang hindi kumagat sa halagang gusto nila. At ayon sa balitang nasagap namin ay umabot daw hanggang apat na piso ang pagsakay sa kanilang karosa.
Anupa't tila nagkaroon ng “fashion show”at parada ng dalawang araw ng welga. Tiyak na nagbalik sa ating diwa ang panahon ng Hapon, gayon din ang Mahal na araw, na nag makikita lang sa daan ay ilang sasakyan, karitela, at “tricycle.”Marahil kung nagpatuloy ang welgang ito ay nakatipid tayo nang malaki sa pag-angkat ng gasolina sa ibang bansa. Ngunit kami'y humuhula na tiyak din naming ang mga sakatero ay nagtaas ng halaga ng damo.
Marahil sasang-ayon kayo na ang welga o pag-aaklas ng mga sasakyan ay isang sining. Ito ay sining ng pag-ibig, sining ng pagtitipid, sining ng pagpapalakas, sining ng kabuhayan, sining ng katamaran, at sining ng trapiko o ng kawalan nito. Ngunit ang sining na ito ay nalilikha lamang sa mahiwagang lungsod na tulad ng Maynila. Matapos ang welga ay nagbalik na naman ang Maynila sa kanyang tunay na kaanyuan-maingay, maalikabok, at may magulong trapiko.
All Rights Reserved
Comments