Hindi Umiiyak ang Lalaki

ni: Liwayway A. Arceo

Father and Child | Cj de Silva
"Father and Child" by CJ de Silva

“Hindi ka ba nahihiya, Nardy? Ang laki mong‘yan ay umiiyak ka? Hindi umiiyak ang lalaki:ang lalaki ay malakas at matapang.”

Bagama’t nais niyang umiyak sapagkat nadarama niyang tila may nakahalang sa kanyang lalamunan at hindi siya makahinga, nagtiim na lamang ng mga bagang si Nardy. Nagunita niya ang sinabi ng kanyang tatay. Ang lalaki ay malakas at matapang: ang lalaki ay umiiyak.

“Ana,” sabi niya sa kanilang utusan, “hindi na ba babalik ang tatay ko? Hindi na ba uuwi ang Nanay ko?”

Basag na basag ang kanyang tinig- sapagkat pinipigil niya ang kanyang pag-iyak. Natatandaaan niyang halos ay hindi pa sumusungaw sa langit ang araw nang magising silang lahat. Tila nagulantang pa siya sa narinig niyang halinghing ng kanyang Nanay.

“Ang sakit-sakit ng tiyan ko!” at natatandaan niyang abut-abot ang daing ng kanyang Nanay.

Mabilis na nagbangon ang kanyang Tatay at nagbihis. At nanaog ito nang hindi man lang siya kinibo. Hindi nagtagal at nagbalik ito na sakay ng isang taksi. Pinangko ng kanyang Tatay ang Nanay niya.

“Nay sama ‘ko!”

Bigla siyang tumindig at minasdan ang kanyang Tatay na napalingon sa kanya. “Nak,” sabi nito,“hindi ka maaring sumama. Hintayin mo na lang ako.”

Hindi na siya nagsalita pa. Nang umugong ang makina ng taksi sa ibaba ay natiya niyang papalayo na ang kanyang Tatay at Nanay.

“Ana,” ulit niya “kailan sila babalik?”

Nilapitan siya ni Ana. Hinapit ang kanyang ulo sa dibdib nito. Hinagod-hagod ni Ana ang kanyang buhok. Unti-unti , tila nawawala ang nakahalang sa kanyang lalamunan. Napapikit siya.

“Nardy...”

“O...” mahinang-mahina ang tinig niya.

“Hindi ba, gusto mong magkaroon ng kapatid? ‘Yong maliit at maganda? ‘Yong matinis iiyak?”

Napaangat ang ulo ni Nardy at tumingin kay Ana. Nagpaliwanag ang kanyang mga mata.

Nagkaroon ng kulay ang kanyang mga pisngi.

“Totoo ba ‘yong sabi ng Tatay ko kahapon? Malapit na raw akong magkaron ng kapatid… Nakakunot ang noo ni Nardy at sa pagkakatingin niya sa kawalan ay waring hindi niya kaya sa kanyang limang tao ang humanap ng sagot sa kanyang tanong. Ibinaling niyang muli ang kanyang tingin kay Ana.

“Ana...ikaw ba...may kapatid?”

“Wala...” Ang tinig naman ni Ana ang nabasag. Tila may nasaling na sugat sa dibdib nito, na biglang sumakit na muli.

“Ba’t, Ana? Ba’t wala kang kapatid?”

“Alam mo Nardy,” at pinatatag ni Ana ang tinig, “nang ipanganak ako ay namatay si Inay.”

Napakislot si Nardy. Tila siya nagulumihanan. “Pa’nong namatay, Ana?”

Hindi sumagot si Ana. Unti-unting inilayo ang katawan kay Nardy, at tuluyan nang lumayo. Bumalik sa ginagawa nito. Pumasok si Nardy sa kabahayan at kinuha ang kanyang bisekletang tatlo ang gulong. Sinakyan niya ito. Umikot sa kaluwangan ng sala. Walang anu-ano ay tumigil siya. Tinanaw niya ang gulong. Napahagikhik siya.

Nang sumakay siya sa bisikletang iyon ay hindi niya nalaman kung paano siya nahulog. Natagpuan na lamang niya sa kanyang sarili sa lupa, nakalupasay at pinagtatawanan ng mga bata. Noon ay umiyak siya nang umiyak.

Kinalong siya ng kanyang Tatay at nang mapahiran ang nagasgas niyang tuhod ay sinabi sa kanya, “Huwag kang iiyak. Malaki ka na. Lalaki ka. Ang lalaki ay hindi na umiiyak, ang lalaki ay malakas at matapang.”

Pilit niyang tandaan ang sinabing iyon ng kanyang tatay. Ngunit nang masira ang gulong ng kanyang bisikleta at hindi siya makapaglaro, umiyak na naman siya. Napansin na naman siya ng kanyang Tatay.

“Bakit ka umiiyak? Dapat ay isipin mo kung ano ang iyong gagawin para makabuo uli ang gulong. Ang lalaki ay hindi umiiyak. Ang lalaki ay malakas at matapang.”

Tinandaan niya ang kanyang sinabi ng kanyang Tatay. Mula noon, natutuhan niyang magpigil sa pag-iyak kung may mangyari: minsan ay napaso siya sa hinihigop na mainit na sabaw. Hindi rin siya umiiyak kung sa kalagitnaan ng gabi ay magising siyang patay ang ilaw at naririnig niya ang alulong ng aso sa kapitbahay. Hindi rin siya umiiyak kung kinagaglitan ng kanyang Nanay kapag may nagawa siyang kasalanan o pagkakamali.

Muling napasikut-sikot si Nardy sa kabahayan. Pagkatapos ay nagtungo siya sa silid ng kanyang Tatay at Nanay. Ngunit doon din siya natutulog. Ngunit alam niyang silid iyon ng kanyang Tatay at Nanay: gayon ang sinasabi ni Ana.

“Kelan kaya ako magkakaron ng sarili kong kuwato?” minsan ay tinanong niya ang kanyang Tatay.

“Paglaki mo.”

Nagtaka siya. Laging sinasabi ng kanyang Tatay na malaki na siya kaya hindi dapat umiyak. Sa silid ng kanyang mga magulang ay mayroong isang maliit na higaan. May pangalan niya iyon sa ulunan. Hindi pa siya marunong bumasa, ngunit sinabi ng kanyang Nanay na iyon ang kanyang pangalan. Ngayon ay may bagon pinta na iyon at may bagong palamuti. Sabi ni Ana, “Dito matutulog ang kapatid mo.”

Patakbo siyang lumabas sa silid na iyon. Tinawag niya si Ana. Hindi iyon sumagot. Nang malapit na siya sa komedor ay may naulinigan siyang tinig. Dahan-dahan siyang lumakad. Pasubok-subok na lumapit sa pinto. Tumayo siya sa likod ng kurtina.

Hindi siya nagkakamali. Umiiyak si Ana. Nakiramdam siya. Hinintay niya ang tinig na naulinigan niya kangina-ngina lamang. Nais niyang matiyak kung hindi siya nagkakamali: Kung si Ana ay umiiyak nga at may isa pang tinig na naulinigan niya kangina.

Ilang saglit na ang nagdaan ay hindi pa siya naririnig ang tinig na naulinigan niya. Ngunit paulit-ulit na dumarating sa kanyang pandinig ang mga impit na hikbi ni Ana.

“Ana...Ana...” tawag niya.

Hindi sumagot si Ana. Ngunit narinig niyang may sinasabi si Ana.

“Pati...bata? Pati ang ...ate?

Ate! Iyon ang kanyang Nanay. Mabilis na sumibad na palabas si Nardy. Sa isang likmuan sa harap ng hapag-kainan ay natanaw niyang nakaupo ang kanyang Tatay. Sapupo sa dalawang palad ang mukha. Nakapatong ang dalawang siko sa hapag.

“Tay,” sabi niya.

Nagtaas ng mukha ang kanyang Tatay. Mapulang-mapula ang mukha nito, pati ang mga mata. At nakita niyang may tumutulo sa mga pisngi nito mula sa mga mata.

May kung anong kamay na tila sinaklot ang kanyang puso. Ilang ulit na napalunok siya nang malalim. Dahan-dahan siyang lumapit sa kanyang Tatay. Mahigpit siyang niyakap nito.

Mahigpit na mahigpit. Nadama niya ang mabilis na pagtahip ng dibdib nito. At naulinigan niya ang mga impit na hikbi.

Ngunit nagpipigil pa rin si Nardy sa pag-iyak. Nahihirapan na siya sa paghinga. Ibig na niyang umiyak.

“Tay,” sabi niyang halos ay hindi makapagsalita. “Umiiyak ka!”

Hindi sumagot ang kanyang Tatay.

“Ako...maari nang umiyak? Gusto kong umiyak e...” Muling napalunok si Nardy. Basag ang kanyang tinig.

“Iho,” ang sabi ng kanyang Tatay, na ang tinig ay waring nang mga sandaling iyon lamang niya narinig, “kung minsan,...hindi maaring hindi iiyak...kahit lalaki...”

At umiyak si Nardy. Ngunit hindi niya alam kung bakit siya umiiyak. Ang alam lamang niya ay umiiyak si Ana. Umiiyak ang kanyang Tatay. At nadarama niyang kangina pa niya gustong umiyak. Nawalan ng kabuluhan ang laging sinasabi ng kanyang Tatay na ang lalaki ay hindi umiiyak; ang lalaki ay malakas at matapang.


Copyright © 2020
All Rights Reserved

Comments

Popular Posts

Disclaimer

The information contained in this website is for general information purposes only. The information is provided by “Poetika at Literatura” and while we endeavour to keep the information up to date and correct, we make no representations or warranties of any kind, express or implied, about the completeness, accuracy, reliability, suitability or availability with respect to the website or the information, products, services, or related graphics contained on the website for any purpose. Any reliance you place on such information is therefore strictly at your own risk.

In no event will we be liable for any loss or damage including without limitation, indirect or consequential loss or damage, or any loss or damage whatsoever arising from loss of data or profits arising out of, or in connection with, the use of this website.

Through this website you are able to link to other websites which are not under the control of “Poetika at Literatura”. We have no control over the nature, content and availability of those sites. The inclusion of any links does not necessarily imply a recommendation or endorse the views expressed within them.

Every effort is made to keep the website up and running smoothly. However, “Poetika at Literatura” takes no responsibility for, and will not be liable for, the website being temporarily unavailable due to technical issues beyond our control.


J.M. Benavidez Estoque "Poetika at Literatura"
All Rights Reserved
Copyright © 2009 - 2021