Sa Pandayan ng Karalitaan
ni: Rodolfo D. Izon
Ano ang kadalasang nagiging problema
ng isang pamilya? Ano ang dapat gawin upang makaahon sa kahirapan? Hindi ba sa
panahon ng kagipitan walang ibang magtutulungan kung hindi ang magulang at ang
anak. Maliit pa lamang ako ay natuto na akong maghanapbuhay. Noon, natatandaan
ko pa, pagkagaling ko mula sa eskuwela ay namimingwit ako sa bukana ng ilog sa
aming bayan, upang may maiulam ang tatlo kong malilit na kapatid. Ang aking ama
ay empleyado sa isang maliit na kompanya na kumikita ng dose pesos isang araw.
Halos hindi makasapat sa aming pamilya ang kanyang kinikita. Walo kaming
magkakapatid, ako ang panganay, tatlong sunod-sunod na babae ang sumunod sa akin,
ikaapat ay si Boy at ang iba pang sumunod sa kanya ay babae nang lahat. Maliit
lamang ang matrikula noon sa eskuwela kaya kahit papaano'y napapag-aral kami ng
aming ama sa elementarya. Ako ay nasa ikaanim na baitang noon, ang aking kapatid
na si Felisa ay nasa ikalima, nasa ikatlo si Maria, at ang aking kapatid na si Henia
ay kasalukuyang nasa unang baitang. Bagama't salat kami sa gamit sa paaralan at
sa baon ay hindi kami nahuhuli sa class standing. Kung hindi man kami ang
manguna ay pumapangalawa kami sa sampung nakakukuha ng pinakamataas na marka.
Kahit paano'y nasisiyahan ang mga magulang ko, dahil sa iyon lamang ang tanging
yamang maipagmamalaki nila; ang magkaroon ng mga anak na matalino. Sa tulong ng
aking Impong Angelina ay nakapaglabada si Ina, kahit na paano'y nakukuha niya
ang ginagastos namin sa pag-aaral at baon; gayon din ang hinihingi ng mga
maliit kong kapatid.
Kung Sabado't Linggo ay naglalako
ako ng mga kakanin tulad ng ukoy, maruya, barbekyung kamote, nilagang 'saging,
at nilagang kamoteng-kahoy, kasama ang aking kapatid na si Henia na siyang
tagasigaw samantalang ako naman ang tagasunong ng bilao at tagasukli kung may
bumibili. Nakatapos ako ng mababang paaralan bilang isang balediktoryan, kaya't
nakatapos ako ng mataas na paaralan nang walang matrikula. Pagkaraan ng apat na
taon maluwalhati akong nakatapos ng kursong bokasyonal. Ang aking kapatid na si
Felisa ay nakapagpatuloy ng hayskul at ang aking dalawa pang kapatid ay natigil
muna at tinulungan na lamang nila si Inay sa paglalabada.
Isang araw, kinausap ako ni ltay.
"Hindi ka na mag-aaral sa kolehiyo, Fermin. Tama na sa iyo ang
makapagtapos ng hayskul, tutal maaari ka na namang mamasukan sa ilang kompanya
riyan." Parang dumagan ang daigdig sa akin sa sinabi ni Itay. Kilala ko
siya kung magpasiya. Ang sinabi niya ay sinabi na niya. Ngunit nagbabasakali pa
rin ako. "Itay, kahit na ho sa kapitolyo, gusto ko ho kasing kumuha ng
inhenyeriya, magtatrabaho na lamang ho ako sa araw." Subalit isang
nakatutulig na "hindi" ang nagpatahimik sa akin. "Huwag mong yakapin
ang di mo kayang yakapin, napakataas ng iyong ambisyon."
Sabagay, tama siya. Marami kaming
magkakapatid. Kung pag-aaralin pa nga naman niya ako sa kolehiyo ay baka
mamatay na kaming dilat sa gutom. "Tama ang leksiyon namin noon sa Pop Ed,
mahirap ang buhay ng maraming anak kaysa kaunti."
Ngunit matigas man ang pasiya ni
ltay ay lalong matigas ang aking pasiya, pinatigas ng masidhing pagnanasang
umunlad. Makaahon sa burak ng kahirapan. Dala ang ilang pirasong damit at
kaunting naipon sa pagkakargador ng palay sa mga makina ay walang paalam akong
umalis sa amin. Pumunta ako sa Maynila at nakipagsapalaran. Kaloob marahil ng
Diyos ay napasok ako sa publikasyon. Pumasa ako bilang dibuhista ng komiks
dahil sa kaunting kaalaman sa paaralang bokasyonal noon sa probinsiva at sa
tulong ng mga kasamahang tapos ng Fine Arts. Sa dahilang likas ang kahusayan ko
sa pagguhit ay nabuhay ako, nakaupa sa isang maliit na apartment.
lba pala ang kahit na paano'y may
nalalaman, sa aking inuupahang maliit na apartment ay nagtayo ako ng Isang
-shirt Printing at hindi naman ako nabigo. Tumatanggap din ako ng pa
"drowing ng mga mag-aaral kung gabi at pagleletra ng diploma, hanggang sa
unti-unti ay lumakas ang aking shop. Naging dahilan ivon tnan magbitiw ako sa
gawain sa publikasyong aking pinagtatrabahuhan. Nagsumigasig ako sa maliit na
negosyo at kumuha ng mga katulong na katulad ko noon ay humahanap ng kapalaran
dahil sa karalitaan sa probinsiya.
Sumulat ako kina Itay at Inay,
nagpadala ako ng pera ngunit sinadva kong ilihim ang aking kinaroroonan...
Aywan kung bakit.Lumipas pa ang mga taon, hindi ko alam kung bakit tiniis
silang huwag makita. Marahil ito ay dala ng hinanakit ko noon, ngunit hindi ko
sila matiis na hindi padalhan ng pera. Halos kalahati ng aking kinikita ang ipinadadala
ko.
Ngayon ay narito ako at lulan ng
isang Philippine Rabbit patungong probinsiya. Labing-apat na taon na ang
matuling lumipas, ganitong-ganito rin noon, magulo ang aking isip subalit
nananabik.
Huminto ang sasakyan at walang-kibo
akong bumaba. Sumakay ako sa isa sa mga nakaparadang tricycle. "Napakalaki
na pala ng ipinagbago ng aming bayan." Habang papalapit ako sa amin ay
parang nagbabara ang aking lalamunan, parang tambol ang aking dibdib at patuloy
sa panlalamig ang aking dalawang palad at talampakan.
Sa bahay, gulat na gulat ang mga
kapatid ko, takang-takang nangapatigil sa kanilang pagkakatayo. Nagdrama si
Inay, niyakap ako at nag-iiyak, nagsermon si Itay ngunit sandal lamang at ayos
na ang lahat. Nanibago ako sa amin. lbang-iba ang ayos ng paligid.
Ang bakod na buho ay hollow blocks
na, ang sahig na kawayan ay marmol na, ang tagni-tagning diyaryo na nasa
dinding at mga lumang letrato ng mga artista ay pawang mga diploma na ng
pagtatapos at mga larawan ng mga kapatid ko na pawang nangakatoga. Wala na rin
ang kusinilya. Electric stove na, ang tapayan na imbakan ng inumin ay napalitan
na ng Frigidaire, talagang malaki na ang pagbabago.
Matapos akong kumain ay kuwentuhan,
napakahabang pagbabalitaan.
Ang aking kapatid na si Felisa ay
nakatapos ng komersiyo sa kapitolyo na balak ko sanang pasukan. Kasalukuyan na
siyang naglilingkod bilang accountant sa rural bank sa bayan. Si Maria ay
sekretarya na, si Henia, ang kasama-sama kong naglalako ng kakanin ay nasa
Baguio na at nag-aaral ng medisina. Ang isa ko pang kapatid na lalaking si Boy ay
nasa Canada na pala at ang iba ko pang mga kapatid ay kasalukuyang nag-aaral sa
mataas na paaralan.
Ipinagpaaral pala ni Itay ang
perang ipinadadala ko, at ang iba ay ginamit sa pagmamanukan at pagbababuyan.
Nagkatulong-tulong na iyon sa pag-aaral ng aking mga kapatid at pagpupundar ng
magandang tahanan at mga kagamitan. Ayaw raw nilang mapahiya sa kung sakali at
maisipan kong umuwi ng tahanan.
Hatinggabi na, marahil ay tulog na silang lahat, ngunit nananatili akong gising, nangingiti ako sa mga pangyayari. At naiisip kong kayganda ng bukas, may landas ang tagumpay, sa mga nagsisikap. May kaginhawahan sa pandayan ng karalitaan at kahirapan. At may umagang sumisilay pagkatapos ng takipsilim.
Comments