Magtagumpay Ka Kaya?
ni: Cinio Villa
"Just Another Workday" (2021) by Nazareth BordonadaMalaki ang paniniwala kong nang isilang ang tao ay may kakambal na siyang kapalaran. Hindi nga lamang ito masilayan sa panahon ng kanyang kamusmusan, ngunit sa kanyang paglaki ay unti-unti itong sumisibol; at sa kanyang pagbibinata o pagdadalaga, ito'y patuloy na nag-uusbong hanggang sa mapagtagumpayan niyang malinang at mapaunlad.
Ang tao ang humahanap ng kanyang kapalaran.
Totoong mahalaga ang pananalig sa Dakilang Lumikha ngunit iaasa na lamang ba ng
tao ang kanyang kapalaran sa Diyos? May kasabihan nga tayong mga Pilipino na
"Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa." Ngunit napakarami nang
tungkulin ang Diyos sa Kanyang mga nilikha. At napakarami na ng tao na may mga kahilingan
sa Diyos. Sana'y isantabi na lamang muna ng iba ang kanyang mga kahilingan
alang-alang sa mga taong higit na nangangailangan ng tulong at kalinga.
Ngunit ang Diyos kaya'y wala ring kapaguran
sa pagtugon sa mga humihingi sa Kanya ng atensiyon? Paano kung magising na
lamang tayo isang umaga at sabihin ng Diyos sa atin na, "Hindi mo dapat
iasa sa Akin ang lahat ng bagay na kaya mong makamit".
Para ano pa at pinagkalooban kita ng mga
matang magagamit mo sa pagtanaw mo sa mga bagay na makakatulong sa iyong sarili
upang makamit mo ang iyong minimithi?
Para ano pa at pinagkalooban kita ng mga
labi upang magamit mo sa pakikipag- usap at pagpapahayag ng iyong nais sabihin
na makatutulong sa pag-unlad ng iyong katauhan?
Para ano pa at pinagkalooban kita ng isip
at puso upang magamit mo nang may katalinuhan at kabutihan na siyang susi ng
iyong tagumpay? Ang mga kamay at paa mo, hindi ba't magagamit mo rin ang mga
ito sa lalong maaliwalas na pagtahak mo sa landas ng tagumpay
Kung minsan nga, may mga lumalapit sa akin,
karamiha'y mga naging estudyante ko sa dalubhasaang pinagturuan ko. Ipasok ko
raw sila sa trabaho. Kahit daw saan. Kahit daw ano kung talagang walang
bakanteng paaralan na mapagtuturuan. Nakapanghihinayang, apat na taon silang
nagsunog ng kilay sa dalubhasaan (kung minsa'y higit pa sa apat) pero hanggang
sa makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo at unibersidad ay hindi nagagamit ang
kursong kanilang natapos. Ngunit ito ba ang sukatan upang talikuran nila ang
uri ng edukasyong kanilang natamo?
May isa akong naging estudyante na sa
pagkakaalala ko'y nabigyan ko ng mataas na marka sa Malikhaing Pagsulat, isang
asignatura sa pagpapakadalubhasa sa Filipino. Ngunit nang minsang magkita kami
ay kapwa kami nagulat sa isa't isa. ikinagulat ko ang trabahong kinasadiakan
niya, at marahil ay iyon din ang ikinagulat niya nang ako'y kanyang makita.
Nagsisilbi siya bilang saleslady sa isang malaking department store sa Harrison
Plaza. Walang masanma sa trabahong ito. Ngunit ang makita kong kahanay niya ang
ilang empleyadong hindi nakatapos ng pag-aaral sa kólehiyo ay parang punyal na tumimo'
sa aking dibdib. Biglang pumasok sa isip ko ang mataas na markang tinanggap niya
sa asignaturang kinuha niya sa akin. Naisip ko, bakit hindi sa Liwayway, sa
Daily Bulletin, o sa mga kilalang publishing house siya namasukan nang sa gayon
ay magamit niya ang angking talino sa pagsulat? Sayang. Kung naglakas loob
lamang siyang lumapit sa akin.
Naalaala ko tuloy ang isang artikulong
nabasa ko tungkol sa yumaong Brig. Gen. H.M. Menzi nang ginunita nito ang
kanyang kabataan. Ganito ang pagkakapahayag niya: "Maaga akong
naghanapbuhay" aniya. "Nang panahon namin ay kailangang magsikap ka upang
ikaw ay mabuhay. Ngayon, karamihan sa mga kailangan ng mga kabataan ay halos
iniaabot na lang sa kanila. Napakalapit naman ng paaralan ngunit sumasakay pa
sila sa halip na maglakad na lang."
Ayon sa magiting na heneral, ang bagay na
iyon ay sagwil sa pagiging malikhain at pagiging maunlad ng isang tao. Lagi na
lang daw umaasa sa kabutihang maipagkakaloob ng mga bagay para sa kanyang
sarili. Waiang kaparaanan. Paano nga ba naman uunlad sa buhay ang taong katulad
ng kanyang nabanggit?
May mga tao na mas marami pang nasasabi
kaysa sa nagagawa. Kaya ko iyon, Mararating ko iyon. Yayaman din ako: Ito ang
madalas nilang sabihin, pero hindi naman kakikitaan ng pagkilos. Walang hakbang
na ginagawa para maging matagumpay sa buhay.
Sa aking palagay, malaki ang nagagawa ng
ating kultura sa di pagtatagumpay ng isang tao. May mga kilala akong nais
umunlad ang buhay. Pupunta raw sa Saudi upang humanap ng kapalaran. Ngunit
bakit hindi naisakatuparan ang mithiing ito? Una, tiyak na pipigilin ng mga
mahal sa buhay, kung di man ang asawa ay ang mga magulang.
Ganito ang kadalasang sasabihin ng mga
moralistang kasama sa bahay: "Matanda na ako. Matitiis mo ba akong hindi
makita kung sakaling dumating na ang huling sandali ng aking buhay? Saka paano
ang mga anak mo, ang mga kapatid mo?"
Madaling makapanghina ng loob ang sinasabi
ng ilang matatandang kasama natin sa bahay. Ang labis na close family ties,
para sa akin, ay ugat sa di pag-unlad ng tao, gayon din ng bayang ating
sinilangan. Hindi kaya maaaring takasan ito sandali upang maging maunlad naman
ang buhay ng ating kapwa? Isipin na lamang na ang pangingibang-bansa ay di
nangangahulugang itinatakwil mo ang bayang pinagmulan. Ito'y hindi pagtataksil sa
liping iyong kinagisnan. Manapa'y ito ang landas ng kaunlaran, landas tungo sa
iyong pananagumpay.
Isipin pang karamihan sa mga kababayan
nating nagtratrabaho sa Saudi ay ang di man lamang nakatungtong ng mataas na
antas sa pag-aaral. Hindi ko sinasabing di mahalaga ang edukasyon. Ngunit
nakapanlulumong mabatid na kung sino pa yaong kaunti ang napag-aralan ay siya
pang buo ang loob na suungin ang mapanghamong buhay. Handang iwan ang pamilya
upang kumita, maging ito'y sa labas ng bansa. At sa kanyang pagbabalik, higit
pang malaki ang kanyang naipon, higit pang marami ang kanyang naipundar na
gamit kaysa sa mga taong kung tawagin ay propesyonal. Ang tanging puhunan ay
lakas ng loob, determinasyon, at ambisyon. Samahan pa ng sipag, talino, at
tiyaga. Magandang puhunan para makamit ang tagumpay.
Kailangang kumilos. Ang tagumpay ay
abot-kamay lamang. Ang tao mismo ang makatutuklas nito. Hindi ang iba, kundi
ang may katawan.
Comments