Aklasan
I
Nangatigil
ang gawain
sa bukirin.
Nagpapahinga
ang makina
sa pabrika.
Natiwangwang
ang daunga't
pamilihan.
At sa madla
ay nagbanta
ang dalita.
Nangalupaypay
ang puhunan
at kalakal.
Nangasara
ang lahat na…
Welga! Welga!
Bawa't sipag,
bawa't lakas
ay umaklas.
Diwang dungo't
ulong yuko'y
itinayo.
Ang maliit
na ginahis
ay nagtindig.
Pagka't bakit
di kakain
ang nagtanim?
Ang naglitson
ng malutong,
patay-gutom.
Ang nagbihis
sa makisig
walang damit.
Ang yumari
ng salapi'y
nanghihingi.
Ang gumawa
ng dambana'y
hampas-lupa.
Ang bumungkal
niyang yaman,
nangungutang.
II
Bakit? Bakit
laging lupig
ang matuwid?
Di nasunod
pati Dios
na nag-utos.
Di tinupad,
binaligtad
pati batas.
Ah, kawawa
ang paggawa
at ang dukha.
Laging huli,
laging api,
laging bigti!
Ang aklasa'y
di tagumpay,
kung sa bagay.
Nalilibid
ng panganib,
dusa't sakit.
Pagka't ito
ay simbuyong
sumusubo.
Pagka't ningas
na nagliyab
at sumikab.
Pagbabangon
ng ginutom
at inulol.
Himagsikan
ng nilinlang
at pinatay.
Buong sumpa,
poot, luha,
ng paggawa.
Katapusan
ng kasama't
pangangamkam.
At sa wakas,
bagong batas,
bagong palad!
III
Nguni't habang may pasunod
Na ang tao'y parang hayop,
Samantalang may pasahod
Na naki'y isang limos,
Habang yaong lalong subsob
At patay sa paglilingkod
Ay siyang laging dayukdok,
Habang pagpapabusabos
Ang magpaupa ng pagod,
Habang daming nanananghod
Sa pagkaing nabubulok
Ng masakin at maramot,
Habang laging namimintog
Sa labis na pagkabusog
Ang hindi nagpawis halos,
At habang may walang takot
Sa lipunan at Diyos,
At may batas na baluktot
Na sa ila'y tagakupkop,
Ang aklasan ay sisipot
At magsasabog ng poot,
Ang aklasa'y walang lagot,
Unos, apoy, kidlat, kulog,
Mag-uusig, manghahamok
Na parang talim ng gulok,
Hihingi ng pagtutuos
Hanggang lubusang matampok,
Kilalani't mabantayog
Ang katwirang inaayop,
Hanggang ganap na matubos
Ang Paggawang bagong Hesus
Na ipinako sa kurus.
Comments