J.M. Benavidez Estoque
Ang pagtahak sa mundong walang katiyakan...
Ang paglayag sa bagsik ng karagatang...
ni bitui'y walang makitang tanglaw!
Pagnasang sa kalangita'y makalipad
... makalipad ng kahit bali-bali na'ng pakpak!
Bigong kaluluwang s'yang kahabaghabag
sa mga bitui'y nakatulala kahit walang ninitang pag-asa!
Nangarap balang araw magiging dakila...
Nangarap na balang araw na sa mga mata n'ya'y aahon at sisikat muli ang umaga!
Nangarap ng dakilang mga bagay na mas malayo pa sa katotohanan...
Sa sarili'y nagkumbinsing pakalunod sa ilusyon ng mga pangarap,
Sa ilusyon ng mga hangaring imposibleng matahak!
Kaluluwang kahabaghabag... pusong nadudurog
Nguni't sa isipa't puso'y pilit pa ring buhayin ang imposibleng pangarap!
Nangarap ng dakilang bagay na hindi man tiyak
Kung kayang abutin...
Nangarap ng pagkataastaas na hindi naman tanto
Kung ano ang simulain...
Hanggang pangarap na lang ba at wala nang gagawin?
Mabigat na buntong hingang buhat sa dibdib,
namimighating puso, damdaming naninikip!
Mga mata'y hayu't sapul sa malayo't malalim ang tingin
habang sa pisngi'y nangabasag na luhang nangingilid!
II.
Oh ako'y ilipad mo't bigyan mo ng pakpak!
Nais kong sumisid sa kariktan ng pangarap!
Sa mundong ilusyong malayo pa sa bituin...
Sa daigdig ng panagimpang malayong marating!
Oh ako'y iyong pag-alabin... itong apoy sa'king budhi...
Ang damdaming nagpupumiglas, nangarap na ang mga adhika'y mararating din!
Ningas ay pahintulutan mo sanang mag-alab at h'wag manlamig...
at gawing tanglaw hanggang sa bagong umagang parating!
Magngitngit ka, Oh kaluluwang nasisiraan na ng loob!
Magpumiglas kang parang dakilang leong sa kalayaa'y pinagkait...
Nitong pag-asang sa damdamin ma'y nangabasag na salamin...
Ningas ng talino't tapang mo'y iyong pag-alabin!
Kung sa gabing walang katiyakan, walang katahimikan, nagugulong isipan...
Kung sa gabing pagtulog mo'y luha ng kawalang pag-asa'y iyong kumot at unan...
Hayaan mo at h'wag kalimutang may umagang paparating
at ang bukang liwayway... balang araw ay sisikat din!
III.
Wala na ngang s'yang ligaya'ng sa mukha'y makapipinta...
liban na sa ang makita'y ngiti sa'yong mga mata!
Ni hinagpis at luhang nangapawi na't s'yang nawala...
Na sa'yong pagdusa'y ninitang bagong umaga!
Wala na ngang s'yang bagay ang sa puso'y makagagaan...
na kung ika'y malasin ko'y ligaya'ng nararamdaman
Sa bigat ng 'yong pasani'y ano't siyang pagkagaan...
Sa sandaling makikita na kitang 'di na mahihirapan!
Wala na nga ang s'yang sa puso'y makapagbibigay galak!
na kung sa mga luha mo'y tuluyan nang nanga-alpas...
Wala nang gabing mapanglaw ni ang pagdusa't pagdalita
Kundi ang bukang liwayway na s'yang puno ng pag-asa!
Oh Pilipinas, bayan ko! Lupang sinilangan...
Aanhin pa nga'ng mga luha'ng ngayo'y nagbabatis sa'king mga mata
ni damdamin sa puso kong kaybigat at nagbabata?
Pagdusang sa'yo'y nakalagak, sa iyo nakalaan...
Wala na ngang siyang bagay higit na mas dadakila
sa kung sa sariling dugo, pawis at aking paghihirap
na sa abang bayan't sinta ko'y aking pag-aalayan
Nang sa dumating ang araw na makitang muli...
ang 'yong mga ngiting muling kikislap,
at ang pagdating ng isang bago't mapayapang umaga!
Copyright © 2010
All Rights Reserved
Comments